Mahigit walong libong rice farmers sa lalawigan ng Isabela ang nakatanggap na ng tig-P5,250 na cash assistance mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa ilalim ng Emergency Cash Transfer Program para sa mga magsasakang naapektuhan ng El Niño.
Ayon kay DSWD Region 2 Regional Director Lucia Alan, umabot na sa 8,239 rice farmers ang nabigyan ng tulong mula nang simulan ang ikalawang batch ng pamamahagi noong nakaraang Huwebes.
Katumbas ito ng mahigit P44.2-million na naipamahaging tulong mula sa nakalaang P100-million para sa ikalawang batch ng programa sa Isabela.
Matatandaang sa unang batch ng pamamahagi, nasa 17,202 rice farmers ang nabigyan ng assistance na nagkakahalaga ng mahigit P60-million.
Ayon kay Regional Director Alan, nagpapatuloy ang pamamahagi sa iba’t ibang bayan at lungsod sa lalawigan, kabilang ang Cauayan City, Ilagan City at Echague, at maging sa mga baybaying bayan tulad ng Palanan, upang maabot ang mga kwalipikadong benepisyaryo.
Nilinaw naman ng opisyal na ang listahan ng mga makatatanggap ng tulong ay nagmumula sa mga lokal na pamahalaan, na bina-validate ng municipal o city agriculturist upang matiyak na lehitimong magsasaka ang mga nakatala at kabilang sa mga naapektuhan ng tagtuyot.
Gayunman, inamin niya na may ilang natatanggap na reklamo hinggil sa listahan ng mga benepisyaryo. Pinapayuhan ang mga hindi naisama o natanggal sa listahan na direktang lumapit sa kanilang lokal na pamahalaan upang malinawan sa kanilang status.
Samantala, bilang paghahanda sa posibleng mas matinding epekto ng El Niño sa mga susunod na buwan, kabilang sa mga inihahandang hakbang ng DSWD ang pamamahagi ng family food packs at non-food items, gayundin ang iba pang programang nagbibigay ng tulong sa mga pamilyang posibleng maapektuhan ng tagtuyot.
Tiniyak naman ng ahensya na magpapatuloy ang koordinasyon nito sa pamahalaang panlalawigan at mga lokal na pamahalaan upang maihatid ang kinakailangang tulong sa mga magsasakang nangangailangan.











