--Ads--

Nanawagan si Senador Jinggoy Estrada ng pagpipigil sa gitna ng mga panawagang ideklarang persona non grata si Chinese Ambassador to the Philippines Jing Quan, dahil maaari umanong magkaroon ng seryosong epekto sa Pilipinas ang padalus-dalos na hakbang laban sa diplomat.

Kinikilala ni Estrada ang pagkadismaya ng publiko sa naiulat na pahayag ni Jing na madaling matatalo ng China ang Pilipinas sakaling magkaroon ng labanan. Gayunman, iginiit ng senador na kailangang manatiling bukas ang mga diplomatikong ugnayan habang matatag na ipinagtatanggol ng bansa ang soberanya at karapatan nito sa karagatan.

Binigyang-diin din ng senador na dapat panindigan ng Pilipinas ang mga karapatan nito sa ilalim ng 2016 arbitral ruling habang patuloy na isinusulong ang diplomasya at paggalang sa isa’t isa sa pakikipag-ugnayan sa Beijing.

Samantala, uminit ang usapin matapos batikusin ng Chinese Embassy sa Maynila ang ilang politikong Pilipino, kabilang si Senador JV Ejercito, na kapatid sa ama ni Estrada. Inakusahan ng embahada ang mga ito na nakaaapekto sa relasyon ng Maynila at Beijing dahil sa kanilang mga kritisismo sa China.

--Ads--

Sa isang Facebook post, tinukoy ng embahada ang umano’y sunod-sunod na pagbatikos ng mga politikong kontra sa China, kabilang ang mga nananawagang paalisin si Jing sa bansa.

Bilang tugon, inilarawan ni Ejercito si Jing bilang mayabang at nagpahayag ng matinding pagkadismaya sa asal ng diplomat. Sa panayam sa DWIZ nitong Sabado, nagbitaw rin siya ng pahayag tungkol sa posibilidad ng komprontasyon nila nang personal.