Nilinaw ng Public Order and Safety Division (POSD) ng Cauayan City ang mga panuntunan sa pamamasada ng mga tricycle mula sa ibang bayan, partikular sa pagsasakay ng pasahero sa mga itinalagang terminal sa lungsod.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pilarito Mallinllin, ipinaliwanag nitong magkaiba ang paghahatid lamang ng pasahero sa lungsod at ang pagsasakay ng mga bagong pasahero sa terminal ng ibang mga driver.
Tinatawag na “rambolista” ang mga driver na umaalis sa kanilang itinalagang terminal upang manghakot ng pasahero sa ibang paradahan.
Kabilang sa mga reklamong natatanggap ng POSD ang umano’y pang-aagaw ng pasahero at paggamit ng terminal ng ibang tricycle driver sa Barangay Sillawit.
Dahil dito, hinikayat ni Mallinllin ang mga presidente ng terminal na agad ireport ang mga insidente upang maimbestigahan at maaksyunan.
Pinaalalahanan din ang mga tricycle driver na sumunod sa mga umiiral na panuntunan at igalang ang itinalagang terminal ng kanilang mga kapwa driver upang maiwasan ang alitan at mapanatili ang kaayusan sa pamamasada.











