Nananatiling ligtas ang mga Pilipino na nasa Albania sa kabila ng malawakang kilos-protesta o ang tinatawag na “Flamingo Revolution” na nagaganap ngayon sa naturang bansa.
Ayon kay Bombo International News Correspondent Frenz “Masha” Magno, sinabi nito na bagama’t nagiging marahas na ang naturang protesta sa ilang mga lugar sa Albania, nilinaw niya na hindi umaatake ng mga turista ang mga demonstrador sapagkat ang kanilang pagkilos ay laban lamang sa mismong gobyerno.
Aniya, tumagal na ng ilang buwan ang protesta sa Albania at nagiging bayolente na ang ilan dahil tila hindi umano pinakikinggan ng Pamahalaan ang kanilang panawagan.
Nagsimula ang Flamingo Revolution noong Mayo 2026 bilang protesta laban sa $1.2 bilyong luxury resort nina Jared Kushner sa Zvërnec, na maaaring makasira sa kalikasan at tirahan ng mga Flamingo. Naging marahas ang mga protesta noong Oktubre nang sumama ang mga estudyante upang isigaw ang talamak na korapsyon sa gobyerno, mataas na matrikula, at kawalan ng trabaho sa bansa.
Nilinaw naman ni Magno na bagama’t maraming siyudad sa Albania ang nagsasagawa ng protesta, tanging sa Tirana o sa kabisera lamang ng bansa nagkakaroon ng matinding kaguluhan. Aniya, wala namang mga Pilipino na sumasali sa protesta subalit pinapayuhan lang sila na umiwas sa mga kaguluhan at sa mga lugar na pinagsasagawaan ng demonstrasyon upang maiwasan ang madamay.











