--Ads--

Ligtas nang nakauwi sa Pilipinas ang 46 overseas Filipino workers o OFWs mula Kuwait at 17 marinong Pilipino ng M/V Minoan Dignity, ayon sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) nitong Sabado.

Sa pahayag ng OWWA, dumating ang 46 OFWs sakay ng Kuwait Airways Flight KU417 sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1, habang dumating naman sa Terminal 3 ang 17 marinong Pilipino sakay ng Emirates Flight EK334 noong Biyernes, Agosto 21.

Kabilang sa mga marino ang mga nakaligtas matapos tamaan ng hindi pa matukoy na projectile ang M/V Minoan Dignity habang naglalayag sa Strait of Hormuz noong Agosto 18.

May 18 Pilipinong tripulante ang sakay ng barko nang mangyari ang insidente, kung saan nasawi ang isang Pilipinong chief engineer.

--Ads--

Matapos mailigtas, dinala sa Khasab, Oman ang 17 nakaligtas na marino bago isinagawa ang kanilang repatriation pabalik ng Pilipinas.

Sinalubong at inalalayan sila ng OWWA, Department of Migrant Workers o DMW, MIAA Medical Team at ng kanilang licensed manning agency pagdating sa bansa.

Samantala, inasikaso rin ng OWWA ang 46 OFWs mula Kuwait at pinagkalooban ng financial assistance, pagkain, pansamantalang accommodation at transportation assistance upang makauwi sa kani-kanilang mga probinsya.

Tiniyak ng OWWA na magpapatuloy ang suporta sa mga OFW at marino sa pamamagitan ng welfare, livelihood, employment, counseling at iba pang reintegration assistance batay sa kanilang pangangailangan.