Itinanggi ni Interior Secretary Jonvic Remulla ang anumang ugnayan ng pamilya Duterte sa nabigong tangkang pagpupuslit ng 521 kilo ng shabu mula Laos patungong Mindanao.
Mariing sinabi ni Remulla na walang kinalaman ang pamilya Duterte sa naturang tangkang pagpupuslit ng iligal na droga.
Samantala, ipinatawag ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Philippine National Police ang 21 indibidwal upang kumuha ng impormasyon kaugnay ng tangkang pagpapasok sa bansa ng shabu na nagkakahalaga ng tinatayang ₱3.5 bilyon.
Ayon kay PNP spokesperson Police Colonel Allen Rae Co, posibleng magpatawag pa ng karagdagang mga indibidwal habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Nauna nang tinukoy ni Remulla si dating Bangsamoro Parliament member Edriezan Hadji Nasser Rimbang bilang politiko sa Mindanao na umano’y sangkot sa tangkang pagpupuslit ng droga. Gayunman, hindi pa siya nagbibigay ng pahayag kaugnay ng alegasyon.
Ayon pa kay Remulla, nagbayad umano si Rimbang kay Police Master Sergeant Aileen Jane Manalo Mendoza kapalit ng landing rights at paggamit ng isang pribadong hangar kung saan nakatakdang lumapag ang eroplanong may dalang droga mula Laos noong huling linggo ng Setyembre.
Sinabi rin ng kalihim na ang pribadong eroplano ay umano’y kinuha ni Captain Rioklyn Toledo, na kilala rin sa alyas na “Boyet,” na siyang nag-ayos sa pagbiyahe nito mula Malaysia patungong Laos.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang iba pang posibleng sangkot sa nabigong tangkang pagpupuslit ng iligal na droga.











