Naglabas ng saloobin sa social media ang pamilya ng isang pasyente kaugnay ng kanilang naging karanasan sa paghiling ng ambulansya sa Rural Health Unit (RHU) ng Tumauini noong Hulyo 19.
Sa viral na Facebook post ni Ginang RaicyRica Lugo Domingo, inilahad nito ang umano’y naging karanasan nila nang dalhin sa RHU Tumauini ang kanyang asawa na nahihirapang huminga at kinakailangang maisugod sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC) sa Carig, Tuguegarao City.
Ayon kay Domingo, sinabi umano sa kanila ng driver ng ambulansya na dalawang linggo nang walang ibinibigay na pondo para sa krudo ng nito kaya’t hindi agad sila maihatid sa ospital.
Ikinuwento rin niya na iminungkahi umano sa kanila na mag-ambag na lamang para sa krudo ng ambulansya upang maipagpatuloy ang biyahe patungong CVMC.
Dagdag pa niya, labis umano siyang nadismaya sa umano’y naging mungkahi ng driver na sumakay na lamang sila ng “kulong-kulong” patungong sa naturang ospital sa kabila ng kritikal na kondisyon ng kanyang asawa na nahihirapang huminga at may dati nang kondisyon sa puso.
Samantala, naglabas naman ng opisyal na pahayag ang RHU Tumauini kaugnay sa kumakalat na social media post.
Nilinaw ng RHU na isa itong primary care facility na pangunahing nagbibigay ng outpatient services at mga serbisyong pangkalusugan sa komunidad, at hindi katulad ng mga ospital na may kakayahang magbigay ng mas mataas na antas ng emergency at specialized care.
Ayon sa RHU, ang kanilang tungkulin ay magsagawa ng paunang assessment sa mga pasyente batay sa kanilang kakayahan at resources, at magbigay ng referral sa mga ospital kung kinakailangan.
Binigyang-diin din ng RHU na magkaibang institusyon ang Rural Health Unit at ang Tumauini Community Hospital at magkaiba rin ang kanilang mandato at serbisyong iniaalok sa publiko.
Sa ngayon, wala pang pahayag ang RHU kaugnay sa alegasyon ng pamilya na dalawang linggong walang krudo ang ambulansya at kung kinakailangan nga bang mag-abono ang mga pasyente para sa fuel ng sasakyan.
Patuloy namang hinihintay ng publiko ang karagdagang paglilinaw ng mga kinauukulan kaugnay sa isyung ito.











