Maaaring gantihan ng China ang Pilipinas sakaling ideklara nitong persona non grata at paalisin ang Chinese ambassador sa bansa, ayon sa isang constitutional law expert.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, kay Atty. Domingo “Egon” Cayosa, constitutional sinabi niya na maaaring paalisin ng Pilipinas ang Chinese ambassador, ngunit maaari ring gumanti ang China sa pamamagitan ng pagpapaalis naman sa Philippine ambassador o mga consul na nakatalaga sa China.
Aniya, dapat pag-isipan ang magiging epekto nito dahil maraming Pilipino ang naninirahan at nagtatrabaho sa China, kabilang ang mga OFW sa Hong Kong at iba pang lugar.
Binigyang-diin ni Atty. Cayosa ang kahalagahan ng diplomasya sa pagresolba ng mga hindi pagkakaunawaan sa pamamagitan ng pag-uusap at pagpapaliwanagan, sa halip na lalo pang palalain ang tensyon.
Ayon sa kanya, mas mainam na ibaba ang tensyon sa pamamagitan ng paglilinaw at pag-uusap dahil maaaring mas malaki ang maging epekto sa Pilipinas kung hahantong ang sitwasyon sa economic sanctions, paggamit ng dahas o giyera.











