--Ads--

Patuloy ang monitoring at paghahanda ng Office of Civil Defense (OCD) Region 2 sa posibleng epekto ng bagyong Rosal sa Cagayan Valley, kasunod ng pagdedeklara ng Blue Alert status noong Lunes, Oktubre 19.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Mia Carbonel, Public Information Officer ng OCD Region 2, sinabi nitong nagsagawa na sila ng Pre-Disaster Risk Assessment (PDRA) at nagpatupad ng no-sail policy sa mga coastal area ng rehiyon.

Nakahanda na rin ang mga food items na maaaring ipamahagi sa mga lokal na pamahalaan na mangangailangan ng tulong sa panahon ng kalamidad.

Batay sa monitoring ng ahensya, nakararanas pa lamang ang rehiyon ng katamtamang pag-ulan at bahagyang maulap na kalangitan.

--Ads--

Samantala, kanselado na ang mga flight patungong Batanes dahil sa sama ng panahon. Mayroon na ring mga turistang stranded sa lalawigan batay sa datos ng OCD Region 2.

Sa bayan naman ng Palanan, Isabela, nakahanda na rin ang lokal na pamahalaan para sa posibleng epekto ng bagyo, kabilang ang pamamahagi ng family food packs sa mga residenteng mangangailangan nito.

Ayon kay John Bert Neri, LDRRM assistant ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Palanan, bagama’t sanay na ang kanilang coastal town sa mga ganitong sitwasyon, patuloy pa rin ang kanilang paghahanda at pagbabantay.

Maganda pa rin umano ang lagay ng panahon sa bayan kahit nakataas na sa Signal No. 1 ang lugar.

Mahigpit na rin nilang binabantayan ang mga mangingisda at ipinagbabawal ang pangingisda at paglalayag gamit ang maliliit man o malalaking bangka. Sa ngayon, wala pa silang naitatalang mangingisdang lumalabag sa pagbabawal at pumapalaot.

Samantala, umaasa ang mga opisyal sa Palanan na magdadala pa rin ng kaunting ulan ang bagyo kahit lumihis ito sa kanilang lugar, dahil kailangan ito ng mga magsasaka.

Ayon kay Neri, wala pa silang nararanasang pag-ulan sa kanilang lugar na makatutulong sana sa paghahanda ng mga sakahan at pagsisimula ng pagtatanim.

Muling pinaalalahanan ng mga awtoridad ang publiko na sumunod sa mga abiso ng lokal na pamahalaan, iwasang pumalaot habang may pagbabawal, at maghanda ng mga pangunahing pangangailangan upang matiyak ang kaligtasan sa harap ng banta ng bagyo.