Timbog ang tatlong indibidwal sa umano’y pot session sa Barangay Mambabanga, Luna, Isabela nitong gabi ng Oktubre 20, 2026.
Kinilala ang mga suspek sa mga alyas “Dado”, 40-anyos na driver; Sanya, 25-anyos na printing operator; at Lando, 30-anyos na assistant operator, pawang residente ng Barangay San Miguel, Luna.
Batay sa paunang impormasyon, nakatanggap umano ng tawag ang Luna Police Station mula sa isang concerned citizen hinggil sa nagaganap na pot session sa lugar. Agad namang nagsagawa ng surveillance at validation ang mga pulis na nagresulta sa pagkakahuli sa tatlo.
Nakumpiska sa mga suspek ang dalawang heat-sealed plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, dalawang lighter, pitong piraso ng aluminum foil, sigarilyo, wallet at cash na mahigit isang libong piso.
Samantala, sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Alyas “Dado”, sinabi niyang bago sila mahuli ay niyaya umano siya ng isang babaeng nagpakilalang “Lovely” para mag-inuman.
Ayon kay Alyas “Dado”, habang nag-iinuman ay inilabas umano ng babae ang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu at aluminum foil, na naging dahilan umano upang gumamit sila ng ipinagbabawal na droga.
Inamin din niyang tatlong beses umano silang nakagamit bago dumating ang mga pulis. Sinabi rin ni Alyas “Dado” na hindi na ito ang unang pagkakataong nahuli siya sa kaparehong kaso at pinagsisisihan niya ang pagpunta sa lugar.
Aniya, dati na siyang gumagamit ng ilegal na droga ngunit nagbago umano matapos magka-pamilya.
Sa ngayon nasa kustodiya na ng Luna Police Station ang mga suspek para sa kaulang dokumentasyon at disposisyon.











