--Ads--

Inaasahang aabot sa libo-libong manonood ang dadalo sa concert ng international band na Air Supply ngayong gabi bandang 7:30 sa The Capital Arena, City of Ilagan, Isabela.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Vice Mayor Jay Eveson Diaz ng City of Ilagan, sinabi niyang apat na buwan naghanda ang lokal na pamahalaan para sa naturang concert matapos makipag-ugnayan ang isang Production Team sa LGU upang gamitin ang The Capital Arena bilang venue.

Aniya, malaking accomplishment para sa lungsod ang pagdaraos ng isang international concert dahil hindi na kailangang bumiyahe pa ng mga Isabeleño patungong Maynila upang mapanood ang international artists.

Dagdag pa ni Vice Mayor Diaz, hindi ito isang libreng LGU concert dahil pribadong investor at production team ang nagdala sa Air Supply sa lungsod, kaya mayroong ticketed admission para sa mga manonood.

--Ads--

Nagdagdag din umano ang organizers ng mga ticket at upuan dahil sa dami ng nais manood, habang may mga ticket pa umanong available para sa VVIP na nagkakahalaga ng 13,000 pesos, VIP na 8,500 pesos at Upper Box na 3,213 pesos.

Samantala, mahigpit namang ipatutupad ang security measures para sa kaligtasan ng mga miyembro ng Air Supply at ng lahat ng dadalo. Kabilang sa mga ipinagbabawal na dalhin sa venue ang malalaking bag, alak, vape, sigarilyo, laser pointer, flashlight, hayop, flammable materials at ilegal na droga.

Dahil nananatiling nakataas sa Signal No. 1 ang City of Ilagan, nanawagan ang bise Alkalde sa publiko na mag-ingat at sumunod sa mga ipinatutupad na alituntunin.

Hinikayat naman ang mga nais pang manood na magtungo sa The Capital Arena dahil may available pang tickets, bago tuluyang maubusan.