--Ads--

Uutang ang Pilipinas ng nasa 1.5 bilyong dolyar mula sa Asian Development Bank (ADB) upang maibsan ang epekto ng krisis sa Middle East sa mga commuter, mahihirap na pamilya at mga overseas Filipino worker (OFW).

Ayon sa Department of Finance (DOF), nilagdaan ni Finance Secretary Frederick Go ang kasunduan para sa 236.64 bilyong Japanese yen na pautang na gagamitin upang suportahan ang programang Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport o UPLIFT.

Kabilang sa mga layunin ng programa ang pagtitiyak ng sapat na suplay ng langis at kuryente, pagpapanatiling abot-kaya ng pamasahe sa pampublikong transportasyon, at pagbibigay ng tulong pinansyal sa mga sektor na higit na nangangailangan.

Saklaw din nito ang pagpapauwi at pagtulong sa muling pagbangon ng mga OFW na maaapektuhan ng sigalot sa Middle East.

--Ads--

Ayon sa DOF, inaasahang makatutulong ang mga hakbang upang maibsan ang gastusin ng mga pamilya, maprotektahan ang kabuhayan at mabawasan ang epekto ng pandaigdigang krisis sa ekonomiya.

Noong Mayo, nag-alok din ang ADB ng 1.75 bilyong dolyar na pautang sa Pilipinas bilang tugon sa pagtaas ng presyo ng pagkain at langis.

Samantala, ibinaba ng ADB sa 3.3% mula sa dating 3.8% ang pagtataya nito sa paglago ng ekonomiya ng bansa ngayong 2026, bunsod ng tumataas na inflation at nagpapatuloy na sigalot sa Middle East na nakaaapekto sa pagkonsumo at pamumuhunan.