--Ads--

Nanghiram ang pamahalaan ng Pilipinas ng 212.7 milyong euro o katumbas ng ₱14.98 bilyon mula sa World Bank upang mapalawak ang access sa malinis na tubig at maayos na sanitasyon, partikular sa mga lugar na kulang sa serbisyo.

Ayon sa Department of Finance o DOF, popondohan ng pautang ang Accelerated Water and Sanitation Project in Selected Areas na ipatutupad ng Department of Public Works and Highways at Department of the Interior and Local Government.

Kabilang sa mga proyektong itatayo ang bulk water supply system, septage treatment plant at mga pasilidad para sa water, sanitation and hygiene sa Bohol, Siargao at Sulu.

Layunin nitong palakasin ang seguridad sa suplay ng tubig, mapabuti ang serbisyong sanitasyon at mabawasan ang mga panganib sa kapaligiran na dulot ng kakulangan sa tubig.

--Ads--

Ayon kay Finance Secretary Frederick Go, makatutulong ang pondo sa pagpapalakas ng water security at pagpapabuti ng mga serbisyong may kaugnayan sa malinis na tubig.

Inaasahan ding makatutulong ang proyekto sa paghahanda ng bansa sa mga posibleng epekto ng super El Niño.