Umabot sa ₱7,055,664 ang kabuuang tinanggap na alok para sa apat na luxury cars na Maserati sa isinagawang negotiated sale ng Bureau of Customs (BOC), subalit kailangan pa itong aprubahan ng Department of Finance (DOF) bago tuluyang makumpleto ang bentahan.
Kabilang sa mga sasakyang inalok ang dalawang 2021 Maserati Levante Modena na may tinanggap na alok na ₱1,594,388 at ₱1,601,000, gayundin ang dalawang 2021 Maserati Levante GT Hybrid na may alok na ₱1,930,088 at ₱1,930,188.
Ayon sa BOC, ang Fast Car Traders Corp. ang nagsumite ng mga alok na tinanggap para sa apat na sasakyan. Gayunman, hindi pa pinal ang bentahan hangga’t hindi naibibigay ang kinakailangang pag-apruba ng DOF.
Sinabi ni BOC Commissioner Ariel Nepomuceno na layunin ng tanggapan na matiyak na maipapakinabang ng pamahalaan ang mga sasakyang nasa kustodiya nito sa legal at malinaw na paraan, habang nasusunod ang lahat ng proseso upang mapangalagaan ang interes ng publiko.









