--Ads--

Nanawagan ang Malacañang kay Senator Ronald “Bato” dela Rosa na kusang sumuko at harapin ang arrest warrant na inilabas laban sa kanya ng International Criminal Court (ICC) upang maiwasan ang posibleng bloodshed.

Ayon kay Palace Press Officer Usec. Claire Castro, mas makabubuting sumuko na ang senador upang maiwasan ang pagdanak ng dugo.

Ang panawagan ay kasunod ng pahayag ni Interior Secretary Jonvic Remulla na nasa Mindanao si Dela Rosa at umano’y nasa ilalim ng proteksiyon ng isang grupo na nakikipag-usap sa mga awtoridad para sa kaniyang pagsuko.

Paliwanag ni Remulla, hindi basta makapagsasagawa ng pag-aresto ang mga awtoridad dahil posibleng humantong ito sa marahas na komprontasyon.

--Ads--

Nanawagan din si Castro sa mga grupong kumakandili kay Dela Rosa na huwag maging kasangkapan upang makaiwas sa pananagutan sa batas ang mga indibidwal na dapat humarap sa hustisya.

Naglabas ang ICC ng arrest warrant laban kay Dela Rosa kaugnay ng kampanya kontra ilegal na droga ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, na iniugnay sa pagkamatay ng libu-libong katao.

Kasalukuyang nakadetine si Duterte sa The Hague, Netherlands, habang hinihintay ang paglilitis sa kaniya kaugnay ng kasong crimes against humanity.