Maliit ang posibilidad na magpakawala ng tubig ang National Irrigation Administration-Magat River Integrated Irrigation System (NIA-MARIIS) sa Magat Dam sa kabila ng paglapit ng Bagyong Rosal sa bansa.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Carlo Ablan, Division Manager ng Dam and Reservoir Division ng NIA-MARIIS, nasa 191.49 meters above sea level ang elevation ng Magat Dam bandang alas-siyete kagabi, habang nasa 111 ang average inflow at 130.67 naman ang outflow nito.
Aniya, bagama’t malapit na sa 193-meter level ang kasalukuyang elevation ng dam, mababa pa ang posibilidad na buksan ang mga gate nito dahil sa inaasahang dami ng pag-ulan batay sa forecast ng PAGASA at iba pang forecasting agencies.
Gayunman, tiniyak nitong nakahanda ang kanilang tanggapan sakaling magbago ang sitwasyon at magkaroon ng mas malakas na pag-ulan sa watershed.
Dagdag pa ni Ablan, hindi pa gaanong saturated o basa ang lupa sa watershed dahil matagal na ring walang naitatalang malakas na pag-ulan sa lugar, kaya maaari pang masipsip ng lupa ang tubig-ulan sakaling umulan sa mga susunod na araw.
Samantala, sinabi ni Ablan na kayang suportahan ng kasalukuyang operasyon ng Magat Dam ang nasa 78,000 ektaryang nakaprogramang sakahan sa kanilang service area.
Posible namang madagdagan ang lawak ng matutustusan ng patubig hanggang 95,000 ektarya, depende sa available water at magiging assessment ng mga division office ng NIA-MARIIS.
Sa ngayon, wala pa ring suspensiyon ng irrigation delivery requirement o IDR dahil wala pang naitatalang pag-ulan sa kanilang serviceable area.
Kaugnay nito, pinayuhan ni Ablan ang mga residenteng naninirahan malapit sa mga ilog na mag-ingat at pansamantalang umiwas sa mga ito sakaling magkaroon ng pag-ulan sa mga susunod na araw.











