--Ads--

Handang makipagtulungan si Reina Mercedes Vice Mayor Harold Respicio kay Isabela Governor Rodito Albano III para sa ikauunlad ng mga Isabeleño, sa kabila ng mga espekulasyong may hidwaan sa pagitan nila.

Ito ay matapos silang makitang magkasama sa Best Laku Trade Fair sa Alabang, Muntinlupa na naglalayong i-promote ang mga lokal na produkto at negosyo ng Isabela.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay respicio, sinabi nitong dumalo siya sa aktibidad upang makatulong sa pagpapakilala ng mga produktong Isabeleño na aniya ay may mataas na kalidad at potensiyal na makilala hindi lamang sa buong bansa kundi maging sa international market.

Kabilang sa mga produktong kanyang hinangaan ang mga processed food, lokal na sawsawan at condiments, produktong yari sa niyog, palayok, mga produktong habi, at mga kasuotang kultural ng mga katutubo.

--Ads--

Binigyang-diin niya na exposure at mas malawak na promosyon ang kailangan ng mga lokal na produkto upang mas makilala at tangkilikin ng mga mamimili, kabilang ang mga Pilipino sa ibang bansa at mga dayuhan.

Nilinaw din ni Respicio na handa siyang suportahan ang mga programa ng sinumang opisyal ng pamahalaan, lokal man o pambansa, basta’t makabubuti sa mamamayan at makatutulong sa pagpapalago ng kabuhayan.

Gayunman, iginiit niyang hindi nangangahulugang sang-ayon siya sa lahat ng ginagawa ng mga opisyal na kanyang nakakatrabaho, dahil patuloy pa rin niyang pupunahin ang anumang maling gawain sa pamahalaan.

Nagpasalamat din siya kay Governor Albano sa pagsuporta sa mga lokal na negosyante at prodyuser sa pamamagitan ng naturang trade fair, at nagpahayag ng kahandaang tumulong sa iba pang mga programang naglalayong isulong ang mga produktong gawa sa Isabela.