Nakahanda na ang Cauayan City Police Station sa pagde-deploy ng mga pulis sa 15 sementeryo sa lungsod bilang bahagi ng paghahanda para sa paggunita ng Undas.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauyan kay PMaj. Christian Felix, Officer-in-Charge ng Cauayan City Police Station, sinabi nitong mas maraming pulis ang itatalaga sa ilang sementeryo na inaasahang dadagsain ng mga bisita.
Isasagawa rin ang paglalagay ng mga police assistance center sa Barangay Tagaran, sa may checkpoint area malapit sa isang Mall, sa pasalubong center, at sa intersection ng Cabatuan Road upang mas mabilis na makatugon sa pangangailangan ng publiko.
Bukod dito, paiigtingin din ang pagbabantay sa mga pangunahing kalsada at matataong lugar, kabilang ang SM Terminal, Victory Liner, bus terminal, at mga pribadong establisyimento at iba pang lugar sa lungsod.
Paliwanag ni Felix, karagdagang deployment ang gagawin para sa Undas, bukod pa sa mga pulis na nakatalaga na sa anti-criminality operations. Naka-full alert din ang buong puwersa ng Cauayan City Police Station sa naturang panahon.
Samantala, mahigpit ding ipatutupad ang pagbabawal sa pagdadala ng alak at mga matatalim na bagay sa loob ng mga sementeryo upang maiwasan ang posibleng gulo at iba pang insidente.
Makikipag-ugnayan din ang kapulisan sa mga opisyal ng barangay, force multipliers, at mga kawani ng lokal na pamahalaan para sa seguridad sa loob at labas ng mga sementeryo.











