Arestado ang 100 katao matapos looban ng mga nakamaskarang demonstrador ang mga tindahan at sunugin ang mga kagamitan sa lansangan sa Barcelona, Spain, nitong Sabado ng gabi.
Naganap ang insidente matapos ang isang kilos-protesta laban sa sistema sa paligid ng Plaza de Catalunya, isang lugar na dinarayo ng mga turista at mamimili.
Ayon kay Catalonia Interior Minister Núria Parlon, nasa 25 porsiyento ng mga naaresto ay pawang mga menor de edad.
Mahigit 30 sunog ang iniulat na sinimulan ng mga demonstrador, habang 14 na tindahan ang sinira o nilimas.
Batay sa mga kumalat na video sa social media, makikita ang mga nakaitim na demonstrador na sinisipa ang mga salamin ng tindahan at kinukuha ang mga paninda. May mga mamimili ring naipit sa loob ng ilang establisimyento matapos ibaba ang mga shutter upang maiwasan ang pagnanakaw.
Nanawagan ang mga nag-organisa ng protesta sa pamamagitan ng social media para sa isang kilusang tinawag na “Against the System,” na gumamit din ng slogan na “Institut Indignats,” na hango sa kilusang protesta ng mga mag-aaral sa France.
Samantala, nagbabala si Barcelona Mayor Jaume Collboni na hindi palalampasin ang mga insidente ng paninira at pananagutin ang mga sangkot, kabilang ang mga magulang o tagapag-alaga ng mga menor de edad na mapatutunayang lumahok sa kaguluhan.











