Arestado ang isang 59-anyos na lalaki sa isinagawang buy-bust operation ng mga operatiba ng Ilagan Component City Police Station (CCPS) sa Provincial Road, Purok 7, Barangay Lullutan, Lungsod ng Ilagan, Isabela, nitong Oktubre 24, 2026.
Kinilala ang suspek sa alyas na “Balombi,” isang laborer, may asawa, at residente ng Lungsod ng Ilagan. Siya ay inaresto dahil sa umano’y paglabag sa Section 5, Article II ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Batay sa ulat, isinagawa ang operasyon ng mga tauhan ng City Drug Enforcement Unit ng Ilagan CCPS sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 2.
Nakumpiska sa operasyon ang isang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng puting kristal na hinihinalang shabu, na may tinatayang timbang na 0.5 gramo at standard drug price na ₱3,400.
Narekober din ng mga awtoridad ang isang tunay na ₱500 bill at tatlong piraso ng ₱1,000 boodle money na ginamit sa operasyon, isang sky-blue na Oppo cellular phone, at ₱700 na personal na pera ng suspek.











