Naghahanda na ang Philippine Coast Guard (PCG) para sa inaasahang pagdagsa ng mga pasahero sa mga pantalan ngayong Undas 2026, habang papalapit ang panahon ng pag-uwi ng mga biyahero sa kani-kanilang probinsya.
Ayon kay PCG spokesperson Commodore Noemie Cayabyab, ilalagay sa heightened alert ang lahat ng operating units ng ahensya sa buong bansa mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 3. Magde-deploy din ang PCG ng 17,000 tauhan, kasama ang mga barko, aircraft at deployable response groups.
Magtatatag din ng passenger assistance desks sa mga pantalan, na tutulungan ng mga medical team at personnel mula sa Philippine Ports Authority (PPA) at Maritime Industry Authority (MARINA). Magkakaroon din ng K9 units sa mga pangunahing pantalan para sa inspeksyon ng mga bagahe.
Pinaiigting ng PCG ang seguridad kasunod ng sunog sa MV June Aster sa Palawan na ikinamatay ng 60 pasahero. Dahil dito, paiigtingin ang inspeksyon sa mga barko, kabilang ang mga fire safety plan, life-saving equipment, passenger manifest at wastong pagkakarga at pagkakatali ng mga kargamento.
Tiniyak din ng ahensya na susuriin ang kapasidad ng mga barko upang maiwasan ang pagsasakay ng pasaherong lampas sa itinakdang bilang.
Samantala, pinaalalahanan ng PCG ang mga biyahero na huwag magdala ng matutulis na bagay, flammable materials at explosives upang maiwasan ang abala sa biyahe at mapanatili ang kaligtasan ng lahat ng pasahero.











