Nagsampa ang Office of the Ombudsman ng kabuuang 36 counts ng kasong kriminal laban sa anim na dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Region 12 at pitong pribadong indibidwal dahil sa umano’y P491.9 milyong anomalya sa pagbabayad ng right-of-way sa General Santos City.
Kabilang sa mga kasong isinampa ang 18 counts ng malversation through falsification of public documents at 18 counts ng graft kaugnay ng pagbabayad sa mga claimant na umano’y gumamit ng mga pekeng dokumento upang makakuha ng kompensasyon para sa mga lupang apektado ng isang road project.
Kabilang sa mga kinasuhan sina dating DPWH Region 12 Regional Director Subair Saro Diron at dating Assistant Regional Director Laureano Suan Jr.
Batay sa Ombudsman, nag-ugat ang kaso sa tatlong ulat na isinumite ng National Bureau of Investigation (NBI) noong 2018 at 2019. Sinasangkot sa mga ulat ang pagbabayad para sa 18 parsela ng lupa na umano’y naapektuhan ng konstruksyon ng Digos-Makar National Road sa Barangay Lagao, General Santos City.
Ayon sa imbestigasyon, ginamit umano ang appraisal value na P3,500 kada metro kuwadrado noong 2009 upang kalkulahin ang kompensasyon sa mga lupang nakuha ng pamahalaan noong unang bahagi ng dekada 1990. Nagresulta ito sa umano’y pagpapalaki ng mga claim at pagpapalabas ng P491,931,120.20 sa mga claimant na kalauna’y natuklasang nagsumite ng mga dokumentong pineke.
Samantala, sinibak din sa serbisyo ng Ombudsman si dating DPWH Region 12 Legal Officer Ansare Mariga Busran kaugnay ng nasabing usapin.











