--Ads--

Si Atty. Manases Carpio, asawa ni Vice President Sara Duterte, ang nagsampa ng online libel complaint laban sa beteranong journalist na si Philip Lustre Jr., na nagresulta sa pag-aresto sa mamamahayag nitong weekend.

Ayon kay Atty. Dino de Leon, abogado ni Lustre, nakuha nila ang kopya ng information sheet na inihain sa Davao City Regional Trial Court nitong Lunes, Oktubre 26, na naglalaman ng reklamo laban sa mamamahayag.

Nahaharap si Lustre sa kasong online libel sa ilalim ng Section 4(c)(4) ng Republic Act 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012.

Nauugnay ang reklamo sa isang Facebook post ni Lustre noong Marso 6, 2026, kung saan inakusahan niya si Carpio na kabilang sa mga umano’y financier ng 18 indibidwal na nagpapakilalang dating mga bagman.

--Ads--

Ang naturang grupo ay nag-aangking dating mga Marine na inatasang maghatid ng tinatayang ₱805 bilyong kickback mula sa mga flood control project sa iba’t ibang opisyal, kabilang ang Pangulo. Gayunman, nilinaw na ng Philippine Navy na apat sa 18 indibidwal ang hindi kailanman naging Marine, habang karamihan sa kanila ay dishonorably discharged.

Agad namang pumayag si De Leon na maging abogado ni Lustre nang isagawa ang pag-aresto sa mamamahayag habang dumadalo sila sa isang media forum noong Sabado, Oktubre 24.

Kinuwestiyon din ng abogado ang ilang umano’y iregularidad sa pag-aresto kay Lustre, na aniya’y kahalintulad ng legal na panggigipit na naranasan ng ilang kritiko ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.