Nagbigay ng karangalan sa Lungsod ng Cauayan ang 11-anyos na si Gray Anjeal Tactay matapos makamit ang bronze medal sa Junior Category ng World Young Chemistry Talent Olympiad 2026 na ginanap sa Vietnam mula Oktubre 22 hanggang 25.
Si Gray ay kasalukuyang mag-aaral sa Grade 6 ng TAPS Cauayan City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Gng. Yrrah Jean Tactay, ina ni Gray, sinabi nitong labis ang kaniyang pagmamalaki sa mga natamong parangal ng anak at tiniyak na patuloy nila itong susuportahan sa pagtupad ng mga pangarap nito.
Ayon sa kaniya, malaking bahagi ng tagumpay ni Gray ang suporta ng pamilya at paaralan, gayundin ang pagbibigay ng angkop na kapaligiran upang malinang ang talento at kakayahan ng bata.
Hinimok din niya ang mga magulang na tuklasin at suportahan ang interes ng kanilang mga anak, gayundin ang pagbibigay ng mga kinakailangang tulong at oportunidad upang higit pang mapaunlad ang kanilang kakayahan.
Samantala, nagsisilbi ring inspirasyon si Gray sa kaniyang mga kaibigan upang lalo pang pagbutihin ang kanilang pag-aaral.
Hindi naman ito ang unang pagkakataong nagkamit ng parangal si Gray sa mga kompetisyon. Kabilang sa mga sinalihan niya ang International Mathematics Olympiad Competition of Southeast Asia (IMOCSEA) 2026 National Round 1, Thailand International Mathematical Olympiad (TIMO) Heat Round 2026, at Tiger Maths Competition National Round.







