Hiniling ng mga prosecutor ng International Criminal Court o ICC na tanggapin bilang ebidensya ang mga naunang naitalang testimonya ng dalawang saksi na umano’y may impormasyon hinggil sa papel ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa kampanya kontra droga ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa pampublikong dokumentong inihain noong Oktubre 26, hiniling ni Acting Prosecutor Mame Mandiaye Niang sa Trial Chamber III na tanggapin ang mga pahayag ng mga saksi na kinilala bilang P-1334 at P-1348 bilang kapalit ng kanilang live testimony, alinsunod sa Rule 68(2)(b) ng ICC Rules of Procedure and Evidence.
Ayon sa prosekusyon, kabilang sa mga paksang tinatalakay sa mga testimonya ang umano’y paggamit ng listahan ng mga pinaghihinalaang sangkot sa ilegal na droga, mga quota sa pagpatay, at pinansiyal na gantimpala. May mga bahagi rin ng mga dokumento na nananatiling kumpidensiyal o redacted.
Kabilang din umano sa mga ebidensiyang inilalahad ang mga insidente ng pamamaslang na iniuugnay sa kampanya kontra droga. Gayunman, ang mga pahayag na ito ay bahagi pa lamang ng ebidensiyang nais ipasok ng prosekusyon at hindi nangangahulugang napatunayan na ang mga alegasyon laban sa mga indibidwal na binanggit.
Samantala, nakatakdang isagawa sa Nobyembre 2 ang huling status conference kasama ang prosekusyon, depensa, at mga kinatawan ng mga biktima. Nakatakda namang magsimula sa Nobyembre 30 ang paglilitis kay Duterte kaugnay ng mga kasong crimes against humanity na nag-uugat sa mga pagpatay sa panahon ng kaniyang kampanya kontra droga.










