Dumating sa Miami, Florida, si Brazilian Senator Flavio Bolsonaro kasama ang kaniyang pamilya matapos umalis sa Brazil sa kabila ng utos ng Supreme Court na isuko ang kaniyang mga pasaporte.
May kaugnayan ang kautusan sa isang money laundering investigation na kinasasangkutan ni Bolsonaro, bagama’t itinanggi niya ang anumang maling gawain.
Batay sa mga ulat, dumaan ang pamilya sa Argentina at Guayaquil, Ecuador, bago bumiyahe patungong Miami sakay ng private jet. Pinayagan naman silang makapasok sa United States matapos ipahayag ng administrasyon ni US President Donald Trump ang pagbibigay sa kanila ng entry visas.
Ang pag-alis ni Bolsonaro ay maaaring magpalala sa tensiyon sa pagitan ng Brazil at United States. Nauna nang inakusahan ni Brazilian President Luiz Inácio Lula da Silva ang Washington ng pakikipagsabwatan sa pamilya Bolsonaro upang maibalik sila sa kapangyarihan.
Matatandaang natalo si Bolsonaro sa presidential election noong Linggo laban kay Lula. Posible rin siyang mawalan ng immunity mula sa prosecution sa pagtatapos ng kaniyang termino sa Senado sa Pebrero.











