--Ads--

Pinalalakas ng Pilipinas at Japan ang kanilang kooperasyon sa depensa at seguridad sa Timog-Silangang Asya upang mas mahusay na matugunan ang mga sakuna, tensyon sa karagatan, at mga pagbabago sa seguridad sa Indo-Pacific region.

Ito ang binigyang-diin nina Philippine Defense Secretary Gilberto C. Teodoro Jr. at Japanese Defense Minister Koizumi Shinjiro sa kanilang pambungad na pahayag sa ASEAN Plus One Defense Ministers’ Informal Meeting with Japan, na pinangunahan ng Pilipinas.

Ayon kay Teodoro, mahalaga ang papel ng Japan bilang matagal nang katuwang ng ASEAN sa pagtugon sa mga hamong pangseguridad sa rehiyon, kabilang ang mga usapin sa East China Sea at iba pang bahagi ng karagatan.

Nagpasalamat din ang kalihim sa patuloy na suporta ng Japan sa ASEAN centrality at sa mga programang naglalayong palakasin ang kakayahan ng mga kasaping bansa sa depensa at maritime security.

--Ads--

Tinalakay rin ang kooperasyon ng Pilipinas at Japan bilang mga co-chair ng ASEAN Defence Ministers’ Meeting-Plus Working Group on Maritime Security para sa 2024 hanggang 2027.

Tiniyak ng dalawang bansa na magpapatuloy ang kanilang mga pinagsamang aktibidad at ang Future Leaders Program upang mapatatag ang kahandaan sa sakuna, seguridad sa karagatan, at ugnayan ng mga mamamayan sa rehiyon.