--Ads--

Nagbabala ang Bureau of Fire Protection (BFP) Cauayan sa posibleng pagkalat ng grass fire o sunog sa mga damuhan dahil sa pagkatuyo ng mga halaman sa gitna ng matinding init ng panahon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay SFO3 Jonel Corrales, Acting Deputy Fire Marshal ng BFP Cauayan, sinabi niyang mabilis na maaaring kumalat ang apoy kapag nadikit ito sa mga tuyong halaman at iba pang madaling masunog na materyales.

Kabilang sa mga posibleng pagmulan ng sunog ang pagsusunog ng basura at tuyong dahon, gayundin ang walang ingat na pagtatapon ng upos ng sigarilyo sa mga damuhan.

Nagbabala rin ang BFP sa posibilidad ng Super El Niño sa darating na Disyembre, na maaaring magdulot ng mas mainit at tuyong kondisyon ng panahon sa ilang lugar.

--Ads--

Dahil dito, pinapayuhan ng BFP ang publiko na iwasan ang pagsusunog ng basura at tuyong halaman, lalo na sa mga lugar na maraming tuyong damo, upang maiwasan ang pagkalat ng sunog.