--Ads--

Naka-red alert status na ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Cauayan City bilang paghahanda sa Undas 2026, kasabay ng nakatakdang pagbibigay ng libreng sakay sa mga residenteng nais dumalaw sa mga sementeryo.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay JCINSP. Susan Encarnacion, Cauayan City Jail, sinabi nitong nakatakdang pumasok ang lahat ng 64 na tauhan ng pasilidad sa Nobyembre 1 at 2 upang matiyak ang seguridad at kaayusan sa loob ng piitan.

Gagamitin naman nila ang BJMP Transport Vehicle para sa libreng sakay na maaaring abangan sa sentro ng lungsod at makikilala sa karatulang Libreng Sakay.

Samantala, mananatili ang regular na oras ng pagbisita sa mga PDL, habang mahigpit na ipatutupad ang inspeksyon sa mga bisita upang maiwasan ang pagpasok ng patalim, alak, ilegal na droga at iba pang kontrabando.

--Ads--

Lilimitahan din sa limang bisita kada sampung minuto ang pagpapasok sa pasilidad upang maiwasan ang pagsisiksikan.

Magkakaroon din ng sariling paggunita ng Undas ang mga PDL sa pamamagitan ng pagdarasal ng Santo Rosaryo tuwing alas-7:00 ng gabi at pagtirik ng kandila bilang pag-alala sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay.

Ayon kay JCINSP. Encarnacion, wala silang naitalang insidente o kaguluhan sa mga nakaraang paggunita ng Undas at umaasa silang mapananatili ang kaayusan at seguridad sa pasilidad ngayong taon.