May naganap na moderately explosive eruption sa Bulkang Mayon sa Albay dakong alas-11:53 ng umaga, na nagpapatuloy pa hanggang sa oras ng paglalabas ng abiso ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Ayon sa PHIVOLCS, umabot sa 3,000 metro mula sa bunganga ng bulkan ang unang naitalang taas ng ibinugang abo at usok. Kulay abo ang plume at tinatangay ng hangin patungong kanluran-timog-kanluran (west-southwest).
Sa kabila nito, nananatili sa Alert Level 3 ang status ng bulkan dahil sa patuloy na aktibidad nito.
Sa loob ng 24 oras, nakapagtala ang ahensya ng 101 volcanic earthquakes, kabilang ang 18 volcanic tremors na tumagal ng isa hanggang walong minuto.
Naitala rin ang sulfur dioxide emission na umaabot sa 1,413 metric tons kada araw.
Patuloy namang ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng anim na kilometrong Permanent Danger Zone dahil sa panganib ng phreatic eruption, rockfall, landslide at lahar, partikular kapag may malakas at tuloy-tuloy na pag-ulan.
Pinag-iingat din ang mga piloto laban sa pagpapalipad ng sasakyang panghimpapawid malapit sa bulkan.











