--Ads--

Itinalaga ng mga miyembro ng Bangsamoro Parliament si Abdulraof “Sammy Gambar” Macacua bilang Chief Minister ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) matapos makakuha ng 51 sa 80 boto sa isinagawang inaugural session nitong Biyernes, Oktubre 30, 2026.

Nasaksihan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang makasaysayang pagbubukas ng unang regular na sesyon ng Parliament sa Bangsamoro Government Center sa Cotabato City.

Ang pagkakahalal kay Macacua ay kasunod ng unang parliamentary elections sa rehiyon na nagluklok sa 80 halal na kinatawan bilang mga miyembro ng Parliament.

Bago ang pagkakahalal, nagsilbi si Macacua bilang interim Chief Minister sa ilalim ng Bangsamoro Transition Authority (BTA). Sa kaniyang bagong mandato, pangungunahan niya ang regional government sa pagpapatupad ng mga batas, programa at polisiya para sa kapayapaan at kaunlaran ng BARMM.

--Ads--

Kabilang sa mga pangunahing kapangyarihan ng Parliament ang paggawa ng mga batas, pag-apruba sa badyet at pagsubaybay sa mga programa ng pamahalaan.

Nagsimula ang bagong yugto ng pamamahala sa rehiyon matapos ang mahigit pitong taong transisyon sa ilalim ng BTA, kasunod ng pagkakatatag ng BARMM noong 2019 sa bisa ng Bangsamoro Organic Law.