Nanawagan ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines o CBCP sa mga bagong halal na miyembro ng Bangsamoro Parliament na palalimin ang diyalogo at palakasin ang mga hakbang para sa kapayapaan matapos ang kauna-unahang parliamentary elections sa BARMM.
Ayon kay CBCP President at Lipa Archbishop Gilbert Garcera, mahalagang magtulungan ang mga Muslim at Kristiyanong lider ng relihiyon, kasama ang mga Indigenous communities, upang mapalakas ang kooperasyon at kapayapaan sa rehiyon.
Binigyang-diin ng CBCP na ang pamamahala ng bagong BARMM Parliament ay dapat nakatuon sa kapakanan ng lahat ng komunidad at hindi sa pansarili o pampartidong interes.
Hinimok din ng CBCP ang bagong Parliament na pangalagaan ang dignidad, karapatan at kalayaan sa relihiyon ng bawat residente upang maging tahanan ng lahat ang Bangsamoro.
Ang kauna-unahang parliamentary elections sa BARMM ay ginanap noong Setyembre 14, kung saan umabot sa 84.34 porsyento ang voter turnout.
May kabuuang 80 bagong halal na miyembro ang BARMM Parliament na nakatakdang manungkulan simula Oktubre 30 at pipili ng Chief Minister ng rehiyon. Ang kanilang termino ay limang taon at magtatapos sa Hunyo 30, 2031.











