Tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na nakahanda at nakaalerto ang mga ahensiya ng pamahalaan upang tugunan ang inaasahang pagdagsa ng mga biyahero pauwi sa kani-kanilang probinsiya ngayong Undas.
Sinabi ng Pangulo na naglatag na ang pamahalaan ng iba’t ibang hakbang upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero at mapanatili ang kaayusan sa mga lugar na inaasahang dadagsain ng publiko.
Kabilang dito ang pagkumpleto sa mga kinukumpuning pangunahing kalsada, pagbibigay ng special permit sa mahigit isang libong bus, at pagpapatupad ng relaxation order ng Maritime Industry Authority (MARINA) sa mga pampasaherong barko upang madagdagan ang masasakyan ng mga uuwi sa kanilang mga lalawigan.
Inatasan din ni Marcos ang Bureau of Immigration (BI) na tiyaking sapat ang bilang ng mga tauhan at walang bakanteng immigration counter mula ngayong araw hanggang Nobyembre 3 upang mapabilis ang proseso ng mga pasahero.
Samantala, magtatalaga rin ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng mga tauhan para tumulong sa pagsasaayos ng daloy ng trapiko, partikular sa paligid ng mga sementeryo, habang magpapatuloy naman ang pagbabantay ng Philippine National Police (PNP).
Pinayuhan naman ng Pangulo ang publiko na agahan ang pagpunta sa mga terminal at sumunod sa mga ipinatutupad na patakaran upang matiyak ang ligtas at maayos na paggunita sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay.











