--Ads--

Inaasahang mananatiling halos hindi nagbabago ang demand sa semento sa bansa ngayong 2026 dahil sa paghina ng paggasta ng pamahalaan sa infrastructure projects at mabagal na konstruksyon ng mga residential building.

Ayon kay Cement Manufacturers Association of the Philippines (CeMAP) President John Reinier Dizon, posibleng manatili sa 34 million metric tons ang konsumo ng semento ngayong taon, kapareho noong 2025.

Sinabi ni Dizon na nasa dalawa hanggang tatlong porsiyento ang ibinaba ng demand mula Enero hanggang Setyembre, bagama’t inaasahan nilang makababawi ito sa huling quarter kasabay ng posibleng pagpapatuloy ng mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Dagdag pa niya, nakaaapekto rin sa pribadong konstruksyon ang sobrang suplay sa condominium at office markets, habang nagpapataas naman sa production costs ang mahal na enerhiya at paghina ng piso.

--Ads--

Samantala, mas malakas na demand ang inaasahan ng industriya sa 2027 dahil karaniwang tumataas ang paggasta ng pamahalaan sa mga infrastructure project bago ang halalan.

Tinatayang nasa 52 million metric tons ang kapasidad ng lokal na industriya ng semento, mas mataas ng 18 million metric tons kumpara sa kasalukuyang demand.