Muling lumakas ang halaga ng piso kontra dolyar ng Amerika nitong Biyernes, kasunod ng pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gagawin ng pamahalaan ang lahat ng makakaya upang depensahan ang lokal na salapi laban sa higit pang paghina.
Sa pagtatapos ng kalakalan ngayong linggo, nagsara ang piso sa P63.74 kada dolyar, mas malakas ng 11 sentimos kumpara sa P63.85 na naitala noong Huwebes.
Nagbukas ang piso sa P63.67 at umabot sa pinakamalakas nitong halaga na P63.61, habang nagtala naman ito ng pinakamahinang halaga na P63.77 kada dolyar sa maghapong kalakalan.
Ayon kay Rizal Commercial Banking Corporation Chief Economist Michael Ricafort, nakatulong sa pag-angat ng piso ang mga pahayag ng Pangulo na hindi hahayaang tuluyang humina ang halaga nito laban sa dolyar.
Bukod dito, nakatulong din umano ang paghahanda ng publiko para sa mahabang weekend ng Undas at ang pagpapadala ng pera ng mga overseas Filipino workers o OFWs sa kanilang mga pamilya sa bansa.
Paliwanag ni Ricafort, posibleng ipinapalit sa piso ang bahagi ng mga padalang pera ng OFWs upang pondohan ang kanilang pag-uwi sa mga probinsya at iba pang gastusin ngayong holiday season.











