Nakapagtala ng kakaibang Guinness World Record ang isang British collector matapos makapagbukas ng pitong pakete ng trading cards sa loob ng isang minuto habang nakatali sa pakpak ng lumilipad na eroplano.
Kinilala si Colby Bull, residente ng London, matapos isagawa ang stunt noong Oktubre 13 sa Kent, England, sakay ng isang Boeing Stearman biplane na lumilipad sa taas na 600 talampakan at may bilis ng hangin na umaabot sa 120 milya kada oras.
Dahil dito, kinilala siya ng Guinness World Records bilang may hawak ng rekord para sa pinakamaraming trading card packs na nabuksan habang nagsasagawa ng wing walk sa loob ng isang minuto.
Ayon kay Bull, nais niyang maranasan ang pagbubukas ng trading cards sa gitna ng matinding adrenaline rush. Inamin niyang nahirapan siyang mag-concentrate dahil sa lakas ng hangin at halos hindi na niya maramdaman ang kaniyang mga kamay.
Kilala rin si Bull sa iba pang mapangahas na hamon, kabilang ang paglangoy papunta at pabalik sa Alcatraz prison sa San Francisco Bay at pitong araw na sleigh challenge sa Lapland, Finland.











