Muling pinagtibay ng United States, South Korea at Japan ang kanilang paninindigan na tuluyang alisin ang nuclear weapons ng North Korea, sa gitna ng patuloy na pagtanggi ng Pyongyang na talikuran ang nuclear weapons program nito.
Sa pagpupulong ng tatlong foreign ministers sa Atlanta, Georgia sa Estados Unidos nitong Biyernes, Oktubre 30, iginiit nina US Secretary of State Marco Rubio, South Korean Foreign Minister Cho Hyun at Japanese Foreign Minister Toshimitsu Motegi ang kanilang matibay na commitment sa complete denuclearization ng North Korea.
Ayon sa US State Department, nangako rin ang tatlong bansa na tiyakin ang ganap na pagpapatupad ng mga resolusyon ng United Nations Security Council (UNSC), kabilang ang pagbabawal sa mga gawaing nagbibigay ng pondo para sa nuclear at ballistic missile programs ng North Korea.
Binigyang-diin din nila ang pangangailangang ipagpatuloy ang mahigpit na pagpapatupad ng mga international sanctions laban sa Pyongyang at pinuri ang trabaho ng Multilateral Sanctions Monitoring Team sa pagtukoy sa mga paglabag at pag-iwas ng North Korea sa mga parusa.











