--Ads--

Nasaktan umano ang ilang kapulisan habang nagbibigay ng assistance sa pagpapatupad ng Temporary Restraining Order (TRO) sa barikada ng mga grupong tumututol sa mining exploration sa Kasibu, Nueva Vizcaya.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Lloyd Guillermo, Acting Chief of Police ng Kasibu Police Station, sinabi nitong nasaktan ang ilan sa kanilang mga tauhan matapos umanong maging bayolente ang ilang miyembro ng anti-mining group.

Dahil sa insidente, nasira rin umano ang ilan sa mga Civil Disturbance Management (CDM) equipment na dala ng mga pulis.

Ayon kay Guillermo, dahil sa dami ng mga nagbabantay sa barikada, kinailangan nilang humingi ng augmentation mula sa iba’t ibang himpilan ng pulisya sa Nueva Vizcaya.

--Ads--

Pinabulaanan din nito ang alegasyong may kasama silang hindi pulis ngunit nakasuot ng unipormeng pampulis.

Aniya, naging maayos sana ang pagpapatupad ng TRO dahil naging maayos ang pakikipagdayalogo ng sheriff sa mga grupong tumututol sa mining exploration. Gayunman, hindi umano sinunod ng mga ito ang mga nakasaad sa kautusan.

Dahil dito, pinag-aaralan na ng kapulisan ang mga legal na hakbang na maaaring isampa laban sa mga indibidwal na umano’y gumawa ng mga hindi kanais-nais na hakbang laban sa kanilang mga tauhan.

Muli namang iginiit ni Guillermo na ang papel ng pulisya sa pagpapatupad ng TRO ay magbigay ng seguridad at assistance upang mapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa lugar.