Kinuwestiyon ng lider ng Anti-Mining Group ang umano’y malawakang pagresponde ng kapulisan sa human barricade sa Kasibu, Nueva Vizcaya noong Agosto 28, dahil sa dami ng mga pulis na ipinadala sa lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay G. Florentino Daynos, Anti-Mining Group Leader, sinabi niyang dalawang pulis lamang umano ang ipinapadala kapag humingi ng assistance sa 911 ang ilang residente sa Kasibu. Ngunit nang NLRMC na umano ang tumawag, halos lahat ng himpilan ng pulisya sa Nueva Vizcaya ang nagresponde at may binalak pa umanong augmentation mula Quirino.
Ayon kay Daynos, hindi umano ito mukhang simpleng police response lamang dahil kumpleto sa gear at may dalang long firearms ang mga pulis, bukod pa sa may dala umanong pagkain para sa kanilang deployment.
Dahil dito, kinuwestiyon niya kung bakit kailangang magpadala ng ganoon karaming pulis sa naturang lugar gayong may iba pang emergencies sa mga kalapit na munisipalidad na nangangailangan din ng police assistance.
Samantala, sinabi ni Daynos na nagdudulot umano ng negatibong pananaw sa kapulisan ang mga ganitong insidente, lalo na sa mga kabataang nakakakita ng mga video online.
Gayunman, nanawagan siya sa publiko na huwag hayaang maging dahilan ang galit at pagkadismaya upang sumali sa rebellion o sa mga makakaliwang grupo.











