--Ads--

Handa na ang panig ng mga biktima ng drug war na iharap ang kanilang mga ebidensiya at testigo sa paglilitis kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) na nakatakdang magsimula sa Nobyembre 30.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Neri Colmenares, legal counsel ng mga pamilya at biktima ng extrajudicial killings, sinabi nitong ang status conference sa Nobyembre 2 ang huling pagkakataon upang plantsahin ang mga detalye ng paglilitis, kabilang ang mga ebidensiya, testigo at proseso ng prosekusyon at depensa.

Ayon kay Colmenares, nakahanda na ang kanilang opening statements at mga ebidensiyang magpapakita sa mga naging hakbang ni Duterte, gayundin ang epekto ng kampanya kontra droga sa buhay at kabuhayan ng mga biktima.

Tinatayang nasa 60 hanggang 70 testigo ang maaaring iharap ng panig ng mga biktima, bagama’t may ilan dito na kinukuwestiyon ng depensa. Mayroon ding hindi bababa sa 52 stipulations na maaari pang pag-usapan at pagkasunduan ng magkabilang panig, sa pagpapasya ng korte.

--Ads--

Aminado naman si Colmenares na hindi lahat ng kanilang legal team ay makadadalo sa Netherlands dahil sa kakulangan sa budget, ngunit tiniyak na may mga kinatawan silang dadalo.

Samantala, maaari umanong i-waive ni Duterte ang pagdalo sa status conference sa Nobyembre 2, bagama’t nais ng mga pamilya ng mga biktima na makita siya sa korte. Sinabi rin ni Colmenares na may findings mula sa independent medical assessment na nagsasabing fit ang dating pangulo na humarap sa paglilitis.