Nag-alay ng bulaklak at nagsindi ng kandila si Vice President Sara Duterte bilang paggunita sa mga nasawi sa pananalasa ng Super Typhoon Yolanda sa Tacloban City noong 2013.
Binisita ng Bise Presidente nitong Biyernes ang Holy Cross Memorial Gardens, kung saan nakahimlay ang mga labi ng mga biktima ng kalamidad, kasama ang mga personnel ng Office of the Vice President-Eastern Visayas Satellite Office.
Sa kaniyang Facebook post, sinabi ni Duterte na sinabayan nila ng panalangin ang pag-aalay ng bulaklak at pagsisindi ng kandila para sa kapayapaan ng mga kaluluwa ng mga nasawi.
Hinimok din niya ang publiko na isama sa kanilang mga panalangin ang mga naging biktima ng kalamidad at sakuna, gayundin ang mga pamilyang naiwan ng mga ito.
Matatandaang itinuturing ang Yolanda bilang pinakamalakas na bagyong tumama sa Pilipinas, na kumitil sa libu-libong buhay at sumira sa mahigit 1.14 milyong bahay.
Samantala, noong Oktubre 30 ay binisita rin ng Bise Presidente ang memorial ng mga nasawi sa pambobomba sa Roxas Night Market sa Davao City noong 2016, kung saan mahigit sampung katao ang nasawi.
Nag-alay rin siya ng panalangin para sa mga biktima upang matagpuan ng mga ito ang walang hanggang kapayapaan.











