Posibleng umakyat sa 8.1 percent ang inflation rate sa Pilipinas ngayong Oktubre dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis, kuryente at pamasahe, ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).
Sa inilabas na forecast ng BSP, inaasahang nasa 7.1 hanggang 8.1 percent ang inflation, mas mataas kumpara sa 7.2 percent na naitala noong Setyembre.
Ayon sa BSP, pangunahing dahilan nito ang pagsipa ng global oil prices na nakaaapekto sa presyo ng domestic fuel, singil sa kuryente at pamasahe.
Gayunman, posibleng bahagyang mapigilan ang pagtaas ng presyo dahil sa inaasahang pagbaba ng halaga ng bigas, gulay, karne at isda bunsod ng sapat na suplay.
Kapag umabot sa 8.1 percent, ito na ang pinakamataas na inflation rate mula Pebrero 2023, kung kailan naitala ang 8.6 percent.











