--Ads--

Mapayapang naisagawa ng mga residente ng Sagada, Mountain Province ang tradisyunal na Panag-apoy ngayong Undas bilang natatanging paraan ng pag-alala at pagbibigay-pugay sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Peter Apangcay, Public Information Officer ng Mountain Province Police Provincial Office, sinabi nitong naging matagumpay ang aktibidad at walang naitalang malaking aberya sa naturang pagdiriwang.

Ayon kay PCapt. Apangcay, halip na karaniwang kandila, gumagamit ang mga residente ng kahoy mula sa matatandang puno ng pino na lokal na tinatawag na “saeng” upang magsindi ng apoy sa ibabaw ng mga puntod.

Ang Panag-apoy, na nangangahulugang “pagsisindi ng apoy” sa wikang Kankana-ey, ay nagsisimula sa pamamagitan ng misa at pagbabasbas sa mga saeng bago magtungo ang mga pamilya sa sementeryo upang magdasal at magsindi ng mga ito.

--Ads--

Pagsapit ng gabi, halos lahat ng puntod ay naliliwanagan ng apoy mula sa saeng, na nagsisilbing simbolo ng pag-alala sa mga yumao at pagkakataon para sa muling pagsasama-sama ng mga pamilya.

Samantala, nagtalaga ang kapulisan ng mga assistance desk at Mobile Force Company personnel upang matiyak ang seguridad ng mga residente at turistang dumalo. Patuloy rin ang pagbabantay ng mga pulis upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa lalawigan.

Sa hiwalay na insidente, nasangkot naman sa aksidente ang isang paring Katoliko na si Father Sagandoy matapos mawalan ng kontrol sa minamanehong sasakyan habang umiiwas umano sa isang aso sa Mountain Province.

Ayon kay PCapt. Apangcay, pauwi na ang pari sa kanilang pastoral house nang mangyari ang insidente. Hindi naman gaanong nasaktan ang pari, ngunit dinala pa rin siya sa ospital para sa medical observation bilang pag-iingat.