--Ads--

Dalawampung kabataang kinatawan mula sa sampung kooperatiba sa iba’t ibang lalawigan ng Cagayan Valley ang naglalaban-laban sa Regional Cooperative Quiz Bee na isinagawa ng Cooperative Development Authority o CDA sa Cauayan City.

Kabilang sa mga kalahok ang mga kinatawan mula sa Isabela, Cagayan, Quirino at Nueva Vizcaya na nagtipun-tipon upang subukin ang kanilang kaalaman hinggil sa mga prinsipyo, batas, operasyon at pamamahala ng mga kooperatiba.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Annalyn Catulin, Senior Cooperative Development Specialist ng CDA, sinabi nitong dalawang kategorya ang tampok sa kompetisyon: ang Laboratory Cooperative Category at Youth Member Category na bukas para sa mga kabataang edad 18 hanggang 30.

Aniya, layunin ng aktibidad na masukat at mapalawak ang kaalaman ng mga kabataan tungkol sa kilusang kooperatiba, gayundin ang mahikayat silang maging aktibong bahagi ng mga programa at gawaing nagtataguyod sa pag-unlad ng sektor.

--Ads--

Dalawampung kalahok mula sa sampung kooperatiba ang nagpatala sa kompetisyon na nagpapakita ng interes at suporta ng kanilang mga organisasyon sa pagsusulong ng kaalaman at kakayahan ng mga kabataang miyembro.

Hindi lamang kaalaman ang sinusubok sa patimpalak kundi maging ang bilis, katumpakan at kahandaan ng mga kalahok sa pagsagot sa mga katanungang may kaugnayan sa iba’t ibang aspeto ng kooperatiba.

Kabilang sa mga paksang tinatalakay ang mga pangunahing prinsipyo ng kilusang kooperatiba gaya ng boluntaryo at bukas na pagiging miyembro, demokratikong pamamahala, pakikilahok ng mga miyembro sa ekonomiya, edukasyon at pagsasanay, awtonomiya, pagtutulungan ng mga kooperatiba at malasakit sa komunidad.

Samantala, binibigyan naman ng Youth Member Category ng pagkakataon ang mga kabataang miyembro na ipakita ang kanilang kaalaman at aktibong pakikilahok sa kani-kanilang kooperatiba.

Dagdag pa ni Catulin, ang mga magwawagi sa dalawang kategorya ang pipiliing kumatawan sa rehiyon sa National Cooperative Quiz Bee na gaganapin sa Tagaytay City, kung saan makakaharap nila ang mga kinatawan mula sa iba pang rehiyon sa bansa.

Inaasahan ng CDA na sa pamamagitan ng naturang kompetisyon ay higit pang mahihikayat ang mga kabataan na makilahok sa kilusang kooperatiba at mahubog bilang mga susunod na lider ng sektor.