--Ads--

Arestado ng pinagsanib na puwersa ng kapulisan ang isang 49-anyos na lalaki na kabilang sa Top 6 Provincial Most Wanted Person sa Ifugao dahil sa kasong murder sa isinagawang operasyon sa Barangay Kudoy, Lagawe, Ifugao, dakong alas-9:30 ng umaga nitong Nobyembre 3, 2026.

Kinilala ang suspek sa alyas na “Jimmy,” isang magsasaka at residente ng nasabing barangay.

Pinangunahan ng Cordon Municipal Police Station ang operasyon katuwang ang Regional Intelligence Unit 14 ng PNP Intelligence Group, 1st Ifugao Provincial Mobile Force Company, CIT Santiago ng RIU 2 at HSC-1SAB ng PNP Special Action Force.

Isinagawa ang pag-aresto sa bisa ng warrant na inilabas noong Nobyembre 8, 2022, kung saan walang inirekomendang piyansa para sa pansamantalang paglaya ng akusado.

--Ads--

Batay sa imbestigasyon, may kaugnayan ang kaso sa pagkamatay ng isang lalaki na natagpuang wala nang buhay sa loob ng isang kubo sa Sitio Buneg, Barangay Anonang, Cordon, Isabela noong Abril 17, 2022.

Kinilala ang biktima sa alyas na “Wil,” na nagtamo ng maraming taga sa iba’t ibang bahagi ng katawan na naging sanhi ng kanyang pagkamatay.

Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon, natukoy ang pagkakakilanlan ng suspek na umano’y responsable sa krimen.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng Cordon Municipal Police Station ang naarestong akusado habang hinihintay ang kanyang turnover sa korte na naglabas ng warrant.