Arestado ang isang 21-anyos na lalaki matapos makuhanan ng hindi lisensiyadong caliber .38 na baril, limang bala at hinihinalang ilegal na droga sa isinagawang Oplan Bakal Sita ng Cauayan City Police Station sa isang bar sa Barangay San Fermin, Cauayan City.
Ang suspek ay isang construction worker at residente ng San Mateo, Isabela.
Batay sa police report, nagsasagawa ng inspeksyon ang mga pulis sa isang bar bilang bahagi ng kanilang operasyon nang mapansin ang isang bahagyang nakabukas na belt bag na nakapatong sa mesa sa harap ng suspek kung saan nakalitaw ang hawakan ng naturang baril.
Hindi umano nakapagpakita ang suspek ng mga dokumentong magpapatunay sa legal na pagmamay-ari at pagdadala ng baril, kabilang ang lisensya o permit.
Sa isinagawang body search, nadiskubre rin sa loob ng belt bag ng suspek ang isang transparent plastic sachet na naglalaman ng puting crystalline substance na hinihinalang shabu, na may tinatayang timbang na 0.03 gramo.
Nakumpiska mula sa suspek ang isang itim na kalibre .38 revolver na walang nakikitang serial number markings, limang bala at isang sachet ng hinihinalang ilegal na droga.
Matapos ang insidente, ipinaalam sa suspek ang kanyang mga karapatan alinsunod sa Miranda Doctrine at Anti-Torture Act.
Dinala rin siya sa Cauayan District Hospital para sa medical examination bago inilipat sa Cauayan City Police Station, kasama ang mga nakumpiskang ebidensya.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act at Section 11, Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.











