Nag-isyu na ng show cause order ang Land Transportation Office (LTO) Region 2 laban sa mga registered owner ng dalawang motorsiklong ginamit sa ilegal na drag racing ng mga menor de edad sa pampublikong kalsada sa Angadanan, Isabela.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Assistant Regional Director Venancio Tuddao, sinabi nitong isinagawa ang hakbang matapos matukoy sa kanilang imbestigasyon na hindi rehistrado para sa kasalukuyang taon ang dalawang motorsiklo at walang kaukulang lisensya ang mga driver na sangkot sa karera.
Ayon kay Tuddao, inilabas ang show cause orders noong October 29, 2026, kung saan inatasan ang mga respondent na magsumite ng paliwanag hinggil sa kanilang pagkakasangkot sa insidente.
Ipinaliwanag ng opisyal na posibleng panagutin ang mga registered owner sa mga administratibong paglabag na nagawa ng mga driver, alinsunod sa registered owner rule.
Kabilang sa mga posibleng paglabag ay ang reckless driving, improper person to operate a motor vehicle, at paggamit ng unregistered motor vehicle.
Nilinaw naman ni Tuddao na hindi pa sila makapagbibigay ng pinal na desisyon kaugnay sa mismong drag racing dahil kailangan pa munang makumpleto ang imbestigasyon at mabigyan ng pagkakataon ang mga respondent na ipaliwanag ang kanilang panig.
Target aniya ng LTO na makapaglabas ng resolusyon sa loob ng dalawang linggo matapos ang pagsusumite ng mga paliwanag.
Binigyang-diin din ng opisyal na hindi dapat isinasagawa ang drag racing sa mga pampublikong kalsada dahil hindi lamang ang mga kalahok ang gumagamit nito kundi maging ang iba pang motorista at pedestrian na maaaring madamay sa aksidente.
Dahil dito, hinikayat niya ang mga magulang na bantayan ang kanilang mga anak at huwag basta payagang gamitin ang kanilang mga motorsiklo, partikular na sa gabi, upang hindi masangkot sa mga ilegal na karera.
Nanawagan din siya sa publiko, sa tulong ng Philippine National Police at mga lokal na pamahalaan, na makipagtulungan sa pagbabantay at pagpigil sa mga ganitong aktibidad.











