--Ads--

Nasamsam ng mga awtoridad ang tinatayang ₱295,000 halaga ng mga sigarilyong walang kaukulang dokumento sa isang border checkpoint sa kahabaan ng Maharlika Highway, Barangay Tactac, Santa Fe, Nueva Vizcaya, madaling araw ng Huwebes, Nobyembre 5.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLT. Allan Jalmasco, Deputy Chief of Police ng Santa Fe Police Station, sinabi nitong nasabat ang mga sigarilyo nang sitahin ng mga tauhan ng 2nd Maneuver Platoon, 205th Maneuver Company ng Regional Mobile Force Battalion 2, kasama ang Santa Fe Police at Provincial Intelligence Unit, ang isang kulay brown na Mitsubishi Montero Sport na patungong hilaga bandang alas-5:00 ng umaga.

Kinilala ang drayber na si alyas JC, 29-anyos, residente ng Lomboy, Talavera, Nueva Ecija. Napansin ng mga pulis ang ilang kahon ng sigarilyo sa likurang bahagi ng sasakyan habang sinusuri ang mga dokumento nito. Subalit wala umanong maipakitang kaukulang permit o dokumento ang drayber para sa pagbiyahe ng mga produkto, kaya agad itong inaresto dahil sa paglabag sa National Internal Revenue Code.

Sa isinagawang imbentaryo sa lugar, nakumpiska ang dalawang kahon o 93 reams ng Cannon Menthol na nagkakahalaga ng ₱55,000 at walong kahon o 400 reams ng Modern na nagkakahalaga naman ng ₱240,000.

--Ads--

Dinala sa Santa Fe Police Station ang suspek, ang sasakyan, at ang mga nakumpiskang sigarilyo para sa kaukulang pagsasampa ng kaso at karagdagang imbestigasyon.