--Ads--

Arestado ang dalawang indibidwal sa isang checkpoint sa Barangay Tagaran Cauayan City matapos ang tangkang pag byahe ng mga pekeng sigarilyo na nagkakahalaga ng higit Php146,000 .

Batay sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Cauayan City Police Station, ang mga suspek ay isang 53-anyos na Ginang, market vendor, at isang 49-anyos na lalaki, driver, na kapwa residente ng Brgy. San Fermin, Cauayan City, Isabela.

Batay sa ulat, nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ng Cauayan CCPS hinggil sa umano’y pagdadala ng mga smuggled cigarettes na patungo sa pamilihan ng San Mariano, Isabela. Dahil dito, agad nagsagawa ng checkpoint operation ang mga pulis sa kahabaan ng National Road sa Brgy. Tagaran.

Sa isinagawang inspeksyon sa isang tricycle, natuklasan ang iba’t ibang uri ng mga sigarilyong pinaghihinalaang lumabag sa National Internal Revenue Code of 1997. Nang hingan ng kaukulang dokumento ang mga sakay ng tricycle, nabigo silang magpakita ng anumang papeles na magpapatunay sa legalidad ng mga produkto.

--Ads--

Kabilang sa mga nasamsam ang 99 reams ng Bon International Nise cigarettes (Php99,000), 22 reams ng Fort Menthol 100’s (Php 22,000), 21 reams ng Carnival Red (Php 21,000), at 4 na reams ng Nise Baisha (Php4,000), na may kabuuang 146 reams na tinatayang nagkakahalaga ng Php146,000.00.

Ang mga nakumpiskang smuggled cigarettes ay agad namang dinala sa himpilan ng pulisya para sa dokumentasyon at kaukulang disposisyon.

Samantala, sinikap din ng Bombo News Team na makapanayam ang mga suspek at batay sa pakikipag-ugnayan kay alyas Manny, ang 49 anyos na lalaking tsuper ng tricycle, iginiit niya na wala siyang kinalaman sa transportasyon ng mga pekeng sigarilyo dahil siya ay namamasada lamang.

Sinabi pa niya na inarkila siya na masakyan papuntang San Mariano, Isabela ngunit hindi umano niya akalain na mga sigarilyo ang dala ng kaniyang pasahero.

Agad naman umano niyang sinunggaban ang alok na 700 pesos na pamasahe dahil mahirap kumita ng ganong halaga kung namamasada lamang sa Cauayan City, ngunit iginiit niya na wala siyang kinalaman sa nakumpiskang sigarilyo.

Pinangangambahan na lamang umano niya ang posibilidad na ma impound ang kaniyang trike na siyang ginagamit niya sa kaniyang paghahanap buhay.

Samantala, Nanawagan ang pamunuan ng Cauayan City Police Station sa mga tricycle driver at iba pang namamasada na maging mapanuri sa pagtanggap ng mga kargamento upang hindi masangkot sa anumang ilegal na aktibidad.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLTCOL Jerry Castillo,ang hepe ng Cauayan City Police Station, sinabi niya na mahalagang tiyakin ng mga drayber ang kanilang ibinibiyahe lalo na kung may kahina-hinalang mga pakete o walang maipakitang kaukulang dokumento ang nagpapadala o nagpapabiyahe.

Binigyang-diin niya na kung may pagdududa sa laman ng kargamento ay mas mabuting agad itong ipagbigay-alam sa mga awtoridad upang maiwasan ang pananagutan at makatulong sa kampanya laban sa smuggling at iba pang paglabag sa batas.