Ikinasa ng Bureau of Internal Revenue o BIR Isabela ang isang “bigtime operation” sa malawakang pagsugpo sa pagpasok at bentahan ng mga iligal at walang buwis na sigarilyo na nagresulta para masamsam ang tinatayang 89 na kahon na naglalaman ng iligal na sigarilyo mula sa inupahang kwarto sa isang hotel sa bahagi ng Barangay District 1 , Cauayan City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Robertson Gazzingan OIC Revenue District Officer ng BIR Isabela, sina bi niya na kabilang sa paglabag na kinakaharap ng mga nasasangkot ang pag-iingat at pagbebenta ng mga sigarilyong walang kaukulang excise tax stamps alinsunod sa Section 263 ng National Internal Revenue Code.
Ayon sa BIR, malaking kawalan sa kita ng pamahalaan ang dulot ng operasyon ng mga kontrabandong sigarilyo dahil tinatayang nasa humigit-kumulang 60 piso ang excise tax sa bawat pakete ng sigarilyo.
Bagama’t walang inilabas na search warrant sa naturang operasyon, ipinaliwanag ng BIR na nagsagawa sila ng pagkumpiska batay sa umiiral na mission order na nagbibigay ng legal na kapangyarihan upang magsagawa ng enforcement operation.
Dagdag pa ng ahensya, ang mga nakumpiskang produkto ay sasailalim sa kaukulang proseso at ihaharap sa tanggapan ng piskalya para sa pagsasampa ng kaso.
Tinukoy rin ng BIR na isa ito sa pinakamalalaking operasyon laban sa iligal na sigarilyo na kanilang isinagawa sa kasalukuyang taon at kapansin-pansin ang kakaibang uri at packaging ng mga nasabat na produkto kumpara sa mga naunang operasyon.
Kasabay nito, muling nagpaalala ang ahensya sa publiko na huwag tangkilikin ang mga iligal na sigarilyo dahil bukod sa pag-iwas sa pagbabayad ng buwis, wala ring katiyakan sa kalidad at kaligtasan ng mga produktong ito.
Samantala, kinumpirma ni Mayor Caesar “Jaycee” Dy Jr. ang naging operasyon ng BIR at PNP sa Lunsod na naging daan para makumpiska ang kahon-kahon ng mga iligal na sigarilyong itinago sa inupahang hotel room sa Lunsod.
Sa panayam ng Bombo Rayo Cauayan kay Mayor Dy, ikinatuwa niya ang pagiging aktibo ng Cauayan City Police Station sa pagsasagawa ng operasyon laban sa mga smuggled na sigarilyong ipinupuslit sa Lunsod.
Ayon sa opisyal, mahigpit na ipinatutupad ang pagbabawal sa mga iligal na gawain bilang bahagi ng pagpapanatili ng kaayusan at seguridad sa komunidad.
Aminado siya na hindi ito ang unang beses na may nagpuslit ng iligal na sigarilyo sa Cauayan City dahil sa mga naunang operasyon ay may nahuling hinihinalang iligal na produkto na umabot umano sa humigit-kumulang dalawang kilo.
Ipinunto rin ng opisyal ang pagiging aktibo ng bagong pamunuan ng Cauayan City Police Station na sa loob lamang ng ilang linggo ay nakapagsagawa na ng serye ng mga operasyon laban sa iba’t ibang uri ng iligal na aktibidad.











